Habang ako ay nag-iikot-ikot sa kamaynilaan, dinala ako ng aking paa sa isang historikal na lugar. Isang lugar na tanyag dahil sa isang kakaibang katangian nito. Isang syudad na napalilibutan ng pader - Ang Intramuros.
Sa paglilibot ko, naglalakihang mga istrukturang gawa sa bato ang siyang nakita ko. Ang iba ay tila modernized na kahit papano sapagkat nadampisan na ito ng pintura. Buo man o may kaunting sira, hindi maipagkakaila ang kagandahan ng mga ito. Mapapansin din sa mga itrukturang ito ang laki ng impluwensya ng mga Espanyol sa larangan ng Arkitektura sa bansa.
Bukod sa mga naglalakihang istruktura, ay naroon ang samu't-saring parke kung saan pwedeng mamahinga ang mga estudyante, turista, at maging ang mga taong naghahanap-buhay sa loob ng Intramuros. Sa mga munting parke na ito rin ay may makikita tayo na mga posts na nagbibigay impormasyon tungkol sa historya ng ating bansa. Gaya na lamang ng sa litrato sa itaas, na nagpapakita ng mga larawan ng mga naging pangulo ng ating bansa, na siyang naka-ukit sa metal. O diba? Naglilibot ka na, natututo ka pa!
Syempre, hindi rin mawawala ang isa sa mga pangunahing sasakyan noong unang panahon - ang Kalesa. Nakamamanghang tignan ang iba't-ibang klase ng mga kalesa. Mayroong mga usual na itsura nito, gaya ng nasa ibabang imahe, at mayroon ding mga tila modified kalesa, tulad naman ng nasa itaas na imahe, para na rin makapagsakay ng mas maraming pasahero. Mainam ang mga malalaking kalesang ito para sa mga turista na grupo-grupo kung pumunta. Subalit sa kabila ng mga ito, hindi pa rin naman nawawala ang feeling na presko kapag sumakay ka dito. Maging mabigat man sa bulsa, masasabing sulit naman ang ibabayad mo. Minsan ka lang naman makakita ng kalesa.
Tunay ngang napakasarap magpalipas-oras dito sa Intramuros. Mainit man at tirik na tirik ang araw, hindi naman nawawala ang malakas at sariwang ihip ng hangin, malayo sa usok at dumi na masisinghot mo kapag ikaw ay nasa labas. At bukod pa sa mga matatandang mga gusaling makikita mo na nasa loob, sa ibang mga bahagi rin nito ay makikita natin ang mga sikat na istruktura sa labas naman ng walled city. Halimbawa na lamang ay ang tanyag na Manila Hotel.
Hindi rin naman mawawala ang mga simbahan sa loob ng Intramuros, na siyang na ring naging paraan ng mga Espanyol upang makuha ang loob ng mga Pilipino sa paraan na pagpapakalat ng Kristiyanismo.
Magpapahuli ba naman ang mga monumento sa eksena? Malamang ay hindi! Sa aking paglalagalag sa buong Intramuros ay saksakan ng dami at samu't-saring mga monumento ang aking nakita. Pero syempre, nangingibabaw pa rin dito ang sa ating bayaning si Jose Rizal.
Dinarayo rin dito ang Fort Santiago, na siyang lugar na pinagpiitan ng ating bayaning si Dr Jose Rizal. Dito kasi ay maaari mong makita ang mga ruins (Spanish and American Barracks) , dulaan, mga plaza, museo at kung anu-ano pa! At siguradong hindi ka maiinip dito sapagkat pwede mo ring bilangin ang mga hakbang ni Rizal habang siya ay papalabas dito.
Sa loob ng museo (dating Rizal Shrine) ay makikita ang ilang mga artifacts tulad ng isa sa mga orihinal na kopya ng Noli Me Tangera, ang unang bahagi ng tanyag na nobelang likha ni Rizal. Gayundin, makikita rito ang mga obrang Triumph of Death Over Science at ang Triumph of Science Over Death, na mas kilala natin bilang si Lady Med.
Bilang pagsasaala-ala sa huling liham ng ating bayani bago siya pumanaw sa pamamagitan ng pagbaril sa Bagumbayan, mayroong apat na translations ng Mi Ultimo Adios ni Jose Rizal. Ito ay nasa wikang Hapon, Intsik, Korean. Mayroon ding bersyon para sa ating mga bibisitang may kapansanan sa mata, na siyang nakasulat sa braille.
Hindi matatawaran ang isang araw na paglilibot ko sa Intramuros. Sayang at hindi sapat ang aking oras upang mapuntahan ang kalahatan nito. Ngunit, sinisiguro ko na ako'y magbabalik di lamang upang magliwaliw, ngunit pati magpayaman ng aking kaalaman tungkol sa history ng ating bansa.